Hindi na Maalala

Author: zereporthej /

Gumising ako sa sinag ng araw
Nilinis ko ng tubig ang aking mukha
at tumitig sa salamin, nasilayan ay ikaw
Kahapo'y hawak mo ang kanyang larawang
pag-ibig mo ang lumikha...

Hinangin ng pagaspas ng pakpak ng paru-paro
Ang isang libo't isang kulay sa larawang
Binubuhay ng dalawang damdaming naglalaro
Ngunit ang hawak mo'y mahigpit
at ang titig mo'y kanya lamang...

Di mawari ang iyong labis na pighati
Sa bawat sulyap, sa bawat haplos, sa imaheng
hindi naman kumikilos...
Subalit sa bawat luhang pumapatak,
Ang paru-paro'y lalong pumapagaspas
sa likod mo'y may nagmamahal, ang pahiwatig...

Umiimbay ang aking kamalayan sa iyong
pagbabalik
Na tila ba'y ang aking puso'y kinikiliti
At ang aking labi'y hinihimlayan ng iyong halik
Pantasya man, kung kahapo'y iisipin
batid kong sa alaala, ang lubos na
pag-ibig ay nagwawagi...

Ang mga luha'y inihipan ng makukulay na pakpak
Sabay tumulo ang huli sa larawang
lumuwag na ang iyong hawak...
Sa paghaplos ng huling luha sa haba ng larawan,
Uminog muli ang mundong iyong kinagisnan...

Ang paru-paro'y patuloy na pumagaspas,
At sabay sa iyong pagyurak sa larawang nilimot
Ay ang pagbitiw sa alaala sa litratong kumupas
Sa wakas, ay binaling sa aking mga mata
ang iyong tingin ng walang pag-iimbot...

Lumipad ang paru-paro at dumapo sa
isang bagong kaban ng kayamanan
Dito'y unti-unting umusbong nag bagong umaga
Kung saan ang alaala'y hindi lamang
maitatatak sa larawan
Kundi sa bawat pahina ng ating buhay
na ikinukuwento ng bawat pagbagtas
ng aking pluma...

Ang tubig ay muling bumuhos mula sa gripo
At binanlawan ang mukhang nadungisan ng kahapon
Ngunit ngayong umaagos ang mga katagang
mahal kita mula sayong puso
Hindi ko na maalala na ang larawang
iyon ay may puwang pala noon...

Muli, ako'y humarap sa salamin
Ngayo'y nasilayan ang sariling imahe at ang iyo
Habang binabaybay ng ngiti ang ating mga labi
Ang kamay mo'y di na dumiit sa litrato
kundi sa kamay ko...
At sa ating pag-isa ay ginagabayan tayo
sa paglipad ng mga paru-parong
makapangyarihan kahit munti...

Z|E|R|E|P|O|R|T|H|E|J™
06.21.10